Monday, November 14, 2005

kamatayan ng isang alitaptap

Sa tanghali, kung kailan nakasusunog ang init ng araw, nakalulunod ang hatak ng ilog, nakabibingi ang sipol ng hangin; naging saksi ka sa paglamya ng liwanag ng alitaptap na minsan mong napaglaruan noong gabing tahimik, madilim, at payapa ang paligid ...

ugoy ng duyan

Matamis mong iduyan ang duyan ko, at nakapikit kong dadamhim ang malambing na paghele ng banayad mong ugoy, sabay sa oyaying hahaplos sa pagod kong puso.

Wednesday, October 26, 2005

Pagsilay

Malaking kasayangan sa oras ang hindi mainit, mapusok, at baliw na paghanga. Hindi dapat nabibilang ang sigaw ng dibdib sa masyado nang maraming ordinaryong bagay sa mundo. Alam mong baliw ako. Baliw sa pagsilay sa iyo. Hinahanap-hanap ko ang mga hindi komportableng pagkakataong nakikita kita, ang mga pag-iwas ng ating mga mata. Dahil walang papantay sa sarap ng pagpuno ng mga sandaling iyon sa mga kakulangang hinahanap-hanap ng mainit, mapusok, at baliw kong puso. Idinadaloy na yata kita sa aking mga ugat.

Thursday, October 13, 2005

Granola Bar

Minsan, nakakabawas ng tension ang maliliit na bagay, tulad ng pag iwan ng note sa office mo ...

"
Hi GND,

For you!!! :) Don't worry, 110 calories lang toh. Eat it na lang for breakfast or merienda ... hehe para hindi masira diet mo.

VCG :)
"

Kahit naisip kong, teka muna, isang oras kong bubunuin ito sa stair master sa gym, nakain ko rin. Hindi kasi yung calories ang iniisip mong inilulunok mo sa sistema mo, kundi ang pag alala ng taong, madalas mo naman makasama, pero kadahilanang "wala lang", nagawang pagaanin ang araw mong, minsan hindi ko talaga matantsa kung kelan matatapos.

Bakit ako naging GND? Bakit VCG? ahh, kami na lang nakakaalam nun.

Thursday, October 06, 2005

Tala sa Lupa

Noong bata ako, nakahiligan kong magkabisa ng konstelasyon. Madalas kong hiniling na sana, sa bawat pag-akyat ko sa bubong sa gabi, mawalan ng kuryente para sa kadiliman ay mas mamangha ako sa kislap ng bawat talang nakabitin sa langit. Ngayon nagbabalik ang parehong pakiramdam, pero hindi sa pagtingin sa kalawakan, kundi sa bawat pagdaan ng tala sa harapan ko, sa bawat panakaw na tingin sa talang nakatungtong sa lupa. At sana, ngayon, magawa ko nang abutin at ramdamin ang ningning na dati ay tinitingnan ko lang mula sa bubong, tuwing gabing mailap ang mga ulap.

Monday, October 03, 2005

Alon

Ang puso, parang tubig-alat. Sumasabay sa ihip ng hangin. Masarap sakyan ang alon na kayang gawin ng bawat paglambing ng amihan; hanggang sa ika'y humampas sa dalampasigan, kung saan maari kang iwan o tangayin pabalik ng along naghatid sayo ...

Thursday, September 29, 2005

Kakulitan sa Kabaliwan

Ang gago na lang sigurong ako mismo ang pumukol sa saysay ng pangungulit ...

Ngayon, nangingilag ang mga mata kong walang ninais kundi ang makita ka; umiwas ang sistema kong walang ginusto kundi ang mapalapit sa iyo. Kung kasiraan ng bait at kakulangan sa katinuan ang paghanga, tawagin mo akong baliw, dahil iyon lang ang kayang bumuo sa kung anong meron ako, para sa iyo.


Para kang delikadong kandila. Isa akong gamo-gamong naakit at napaso sa init ng iyong sindi. Ngayong sunog na ang mga pakpak kong ginamit para lumapit sayo’y wala akong ibang kayang gawin kundi ang tumanaw, sa kalayuan, habang niraramdam ang hapdi ng paso mo sa akin.

Kung sana’y hinintay ko maupos ang iyong mitsa, at tuluyang mamatay ang apoy bago ako lumipad palapit…

Ngunit sinong gamo-gamong maaakit sa kandilang walang sindi.

Tuesday, September 20, 2005

Kalabuan

Hindi ko maintindihan kung paanong ang simpleng pagtanaw sayo'y nakakabulabog sa libo-libong paru-parung nananahan sa aking dibdib. Hindi ko maipaliwanag kung paanong ang paglapat ng ating bawat daliri'y nakapagtatawid ng init na kung saan nanggaling ay hindi ko rin alam. Hindi ko maisip kung paanong ang paghalik sa iyong batok ay nakakatunaw ng pundasyong panahon at luha ang lumikha.

Kinalimutan ko na ito. Kinalimutan na natin ito.

Pero sa tuwing ako'y tatanaw sayo, hahawak sa iyong kamay, hahalik sa iyong batok, hindi pa rin ako makahagilap ng mga dahilang magpapalinaw sa kalabuan. At sa mga pagkakataong hindi sapat ang kung anumang pag-intindi, dalawang salita lang ang kaya kong bitawan ...

"mahal kita"

Monday, September 19, 2005

Kung

Kung ang bawat paghangad na makasama ka'y kukutil ng isang tala, kung ang bawat pag-isip ko sayo'y tutuyo ng isang patak ng tubig; matagal nang nangulila ang buwan sa gabi, dati pa'y natuyo na ang dagat. Kung ang bawat tibok ng puso ko'y magpupunla ng mumunting butil ng pag-ibig sa iyo, matagal nang malago ang kagubatan sa puso mo, dati pa'y inibig mo rin ako.

Ngunit tulad ng sandali, ang bawat paghangad ay lumilipas lang. Wala naman masyadong kayang gawin ang mga dalangin kong makapiling ka. Iniiwan lang akong nangangarap, umaasa.

Mahal kita ...

Sa ngayon, siguro sapat nang sa bawat matamis na pagyakap ko sa unan ay nararamdaman ko ang init ng mga dating yakap mo sa akin. Siguro sapat nang sa pagdampi ng pisngi ko sa kumot ay naibabalik ang mga nakaw na sandali ng ating dating pagmamahalan, siguro sapat nang sa pagdama ko sa aking mga labi ay nabubuhay ang tamis ng iyong mga halik ... Hanggang sa ang unan ay muling maging ikaw, malambing na nakatitig sa mga mata kong umaamo, kontento sa iyong pagmamahal.

Friday, August 12, 2005

Fly ...

Image hosted by Photobucket.comSometimes, escapism keeps you sane.

When you wake up to the sound of the rain, and that cold bed poignantly brings back memories you’ve long wished to dissipate.
When the thought of attending a number of corporate meetings drains you.

Sit back, listen to your favorite song, close your eyes … and fly …