Tuesday, September 19, 2006

duyan

ang pagpikit ay pagsilip sa tago nating mundo. ang pag-idlip ay paggising sa tulog na pag-asa.

sa panaginip nabubuhay ang ilang alaala't mga pangarap. dahil ang pagtulog ay pagpukaw sa nahihimbing na damdamin: ng poot, muhi, pighati at pagmamahal ...

Tuesday, April 18, 2006

kaibigan

Kung patuloy mong pag-iisipan ang kawalang katarungan ng mundo, mababaliw ka lang. Talagang ganun, wala kang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang hindi bawat sandali ay matamis ang buhay, Hunghang lang ang naniniwala doon.

Matuto kang magparaya; hindi lang ang sarili mo ang kailangang lumigaya. Magpasalamat ka sa maiksing panahong natutunan mong ngumiti at magmahal. Kasakiman ang hindi pagbitaw sa nakalipas at katangahan ang pagtakwil sa damdaming buong puso mong pinaniniwalaan.

Sapat na ang isa, dalawa, limang araw na pagluluksa sa namatay na bukas. Matuto kang bumangon, maghanap ng bagong pag-asa, at iahon sa libingan ang mga paa mong gustong magpatabon kasama ng mga patay nang alaala.

Thursday, February 09, 2006

pagtingin

Pagsisisihan ko ba ang pait, sama ng loob, at panghihinayang kung sa minsang pagkakataong nakasama ka'y napawi ang pagod ng naghihingalong damdamin? mas gugustuhin kong harapin ang mga 'di komportableng sandaling nakikita ka, dahil ang pag-iwas ng ating mga mata'y alaala ng maiksing panahong ako'y sayo, ika'y sakin.

Ang mga titig mo'y salamin ng tago' kong mundo, tulad ng sa aki'y bintana ng iyong isp at saloobin. Walang kahulugan ang galit sa nakalipas ... walang kahulugan.

Wednesday, February 01, 2006

pagbabalik

Sa burol' ng ating kabataan, minsang nabanggit mo ang magandang pangako ng pag-ibig. Sa pagsandig mo sa aking balikat, hindi ko naintindihan kung paanong sayo'y puno ng kulay at buhay ang mga paru-parong nagliparan sa musmos nating isip.

Paglipas ng panahon, natutunan kong magpa-agos sa bugso ng mapaglarong damdamin; damhin ang sarap at tamis ng bawat pagtibok ng puso; magpahulog sa sakit at pait ng mga nalunod na pangako't alaala.

Noong muli tayong nagkita, sa burol' ng ating kabataan, nabanggit ko ang init at pusok ng mapanirang damdamin. Ngunit sa muling pagsandig mo sa aking balikat, sabay nating pinagmasdan ang pagsayaw ng paru-paro sa hangin, at ang kintab ng kanyang pakpak na nakikipagtalik sa sinag ng araw. Naintindihan ko na.

Isang dapit-hapon sa burol' ng dalawang isip na may magkaibang pananaw sa iisang saloobin, naging malinaw ang pag-asa sa pag-ibig ... at naging saksi ang paglubog ng araw sa pangako ng ating muling pagsasama ...