Thursday, September 29, 2005

Kakulitan sa Kabaliwan

Ang gago na lang sigurong ako mismo ang pumukol sa saysay ng pangungulit ...

Ngayon, nangingilag ang mga mata kong walang ninais kundi ang makita ka; umiwas ang sistema kong walang ginusto kundi ang mapalapit sa iyo. Kung kasiraan ng bait at kakulangan sa katinuan ang paghanga, tawagin mo akong baliw, dahil iyon lang ang kayang bumuo sa kung anong meron ako, para sa iyo.


Para kang delikadong kandila. Isa akong gamo-gamong naakit at napaso sa init ng iyong sindi. Ngayong sunog na ang mga pakpak kong ginamit para lumapit sayo’y wala akong ibang kayang gawin kundi ang tumanaw, sa kalayuan, habang niraramdam ang hapdi ng paso mo sa akin.

Kung sana’y hinintay ko maupos ang iyong mitsa, at tuluyang mamatay ang apoy bago ako lumipad palapit…

Ngunit sinong gamo-gamong maaakit sa kandilang walang sindi.

Tuesday, September 20, 2005

Kalabuan

Hindi ko maintindihan kung paanong ang simpleng pagtanaw sayo'y nakakabulabog sa libo-libong paru-parung nananahan sa aking dibdib. Hindi ko maipaliwanag kung paanong ang paglapat ng ating bawat daliri'y nakapagtatawid ng init na kung saan nanggaling ay hindi ko rin alam. Hindi ko maisip kung paanong ang paghalik sa iyong batok ay nakakatunaw ng pundasyong panahon at luha ang lumikha.

Kinalimutan ko na ito. Kinalimutan na natin ito.

Pero sa tuwing ako'y tatanaw sayo, hahawak sa iyong kamay, hahalik sa iyong batok, hindi pa rin ako makahagilap ng mga dahilang magpapalinaw sa kalabuan. At sa mga pagkakataong hindi sapat ang kung anumang pag-intindi, dalawang salita lang ang kaya kong bitawan ...

"mahal kita"

Monday, September 19, 2005

Kung

Kung ang bawat paghangad na makasama ka'y kukutil ng isang tala, kung ang bawat pag-isip ko sayo'y tutuyo ng isang patak ng tubig; matagal nang nangulila ang buwan sa gabi, dati pa'y natuyo na ang dagat. Kung ang bawat tibok ng puso ko'y magpupunla ng mumunting butil ng pag-ibig sa iyo, matagal nang malago ang kagubatan sa puso mo, dati pa'y inibig mo rin ako.

Ngunit tulad ng sandali, ang bawat paghangad ay lumilipas lang. Wala naman masyadong kayang gawin ang mga dalangin kong makapiling ka. Iniiwan lang akong nangangarap, umaasa.

Mahal kita ...

Sa ngayon, siguro sapat nang sa bawat matamis na pagyakap ko sa unan ay nararamdaman ko ang init ng mga dating yakap mo sa akin. Siguro sapat nang sa pagdampi ng pisngi ko sa kumot ay naibabalik ang mga nakaw na sandali ng ating dating pagmamahalan, siguro sapat nang sa pagdama ko sa aking mga labi ay nabubuhay ang tamis ng iyong mga halik ... Hanggang sa ang unan ay muling maging ikaw, malambing na nakatitig sa mga mata kong umaamo, kontento sa iyong pagmamahal.