Tuesday, November 29, 2005

ang pagbagsak ng lawin

Paano mo kakayanin kung sa paglimot ay kailangang ilibing ng buhay ang ilang panaginip:

Ang pagsandig ng pisngi mo sa aking dibdib; ang mahigpit na yakap; ang paguusap ng ating mga daliri; ang paghalik as iyong noo ... ang mga matatamis na bulong; ang pagpikit ng mga mata sa pag-awit ng bawat puso ...

Ngayo'y tangay ako ng hangin ng bawat alaala mo. Iniisa-isa hanggang sa maubos at mawalan ng silbi ang pagkampay ng pakpak ng damdamin ko sa langaylangayan. Lumilipad sa kasalukuyan, nang hindi tumitingin sa patutunguhan ...

Friday, November 25, 2005

paglalayag

Kung kasama ka, may bisig sanang hahatak sa aking layag, may mga matang gagabay sa aking direksyon; pero mukhang magpapaanod na lang ako sa isang di makabuluhang paglalayag; lilimuting minsa'y napadpad ako sa lupang ikaw ang bunga.

Kung handa ka nang hawakan ang kamay ko, huwag ka sanang mapagod sa paglangoy kung saan ako palutang-lutang.

Wednesday, November 23, 2005

tala o buwan

Bakit mas nakakapakong tingnan ang nag-iisang talang nakabitin sa langit, sa gabing bilog at maliwanag naman ang buwan ...

Dahil ang tala, may sariling ningning. Ang buwan, nakikigamit lang ng sinag ng araw ...

Monday, November 14, 2005

katahimikan sa dilim

Alam mo kung bakit gusto kong nakikita ka? dahil sa mga titig ko lang maitatawid ang mga mensaheng di kaya ipakita ng galaw, at di kaya ibulong ng tinig. Sa katahimikan, mas nakabibingi ang sigaw ng puso kong nananabik makasama ka. Sa kadiliman, mas nakabubulag ang mga titig kong puno ng paghanga, takot, at pag-asa.

Mas gusto kong tahimik at madilim kapag kasama kita. Mas nararamdaman ko ang tunay na ako, na hindi ginagatungan ng mabulaklak na mga salita.

kamatayan ng isang alitaptap

Sa tanghali, kung kailan nakasusunog ang init ng araw, nakalulunod ang hatak ng ilog, nakabibingi ang sipol ng hangin; naging saksi ka sa paglamya ng liwanag ng alitaptap na minsan mong napaglaruan noong gabing tahimik, madilim, at payapa ang paligid ...

ugoy ng duyan

Matamis mong iduyan ang duyan ko, at nakapikit kong dadamhim ang malambing na paghele ng banayad mong ugoy, sabay sa oyaying hahaplos sa pagod kong puso.

Wednesday, October 26, 2005

Pagsilay

Malaking kasayangan sa oras ang hindi mainit, mapusok, at baliw na paghanga. Hindi dapat nabibilang ang sigaw ng dibdib sa masyado nang maraming ordinaryong bagay sa mundo. Alam mong baliw ako. Baliw sa pagsilay sa iyo. Hinahanap-hanap ko ang mga hindi komportableng pagkakataong nakikita kita, ang mga pag-iwas ng ating mga mata. Dahil walang papantay sa sarap ng pagpuno ng mga sandaling iyon sa mga kakulangang hinahanap-hanap ng mainit, mapusok, at baliw kong puso. Idinadaloy na yata kita sa aking mga ugat.

Thursday, October 13, 2005

Granola Bar

Minsan, nakakabawas ng tension ang maliliit na bagay, tulad ng pag iwan ng note sa office mo ...

"
Hi GND,

For you!!! :) Don't worry, 110 calories lang toh. Eat it na lang for breakfast or merienda ... hehe para hindi masira diet mo.

VCG :)
"

Kahit naisip kong, teka muna, isang oras kong bubunuin ito sa stair master sa gym, nakain ko rin. Hindi kasi yung calories ang iniisip mong inilulunok mo sa sistema mo, kundi ang pag alala ng taong, madalas mo naman makasama, pero kadahilanang "wala lang", nagawang pagaanin ang araw mong, minsan hindi ko talaga matantsa kung kelan matatapos.

Bakit ako naging GND? Bakit VCG? ahh, kami na lang nakakaalam nun.

Thursday, October 06, 2005

Tala sa Lupa

Noong bata ako, nakahiligan kong magkabisa ng konstelasyon. Madalas kong hiniling na sana, sa bawat pag-akyat ko sa bubong sa gabi, mawalan ng kuryente para sa kadiliman ay mas mamangha ako sa kislap ng bawat talang nakabitin sa langit. Ngayon nagbabalik ang parehong pakiramdam, pero hindi sa pagtingin sa kalawakan, kundi sa bawat pagdaan ng tala sa harapan ko, sa bawat panakaw na tingin sa talang nakatungtong sa lupa. At sana, ngayon, magawa ko nang abutin at ramdamin ang ningning na dati ay tinitingnan ko lang mula sa bubong, tuwing gabing mailap ang mga ulap.

Monday, October 03, 2005

Alon

Ang puso, parang tubig-alat. Sumasabay sa ihip ng hangin. Masarap sakyan ang alon na kayang gawin ng bawat paglambing ng amihan; hanggang sa ika'y humampas sa dalampasigan, kung saan maari kang iwan o tangayin pabalik ng along naghatid sayo ...