Naaalala mo yung mga araw ng sobrang kabagutan na bigla na lang lumilitaw yung idea na 'tambay tayo sa campus'? Para naman tayong gamo-gamong nasilaw ng sindi ng kandila, dali-daling nagliparan palapit sa liwanag. Anong simple ng buhay sa pagtambay, sa pagtitig sa kalawakan ng Sunken, sa pagsandal sa balikat ng mga maasahang kaibigan, habang unti-unting hinihimay sa isip at puso ang nagkabuhol-buhol na alaala. O anong lambing ng pagdampi ng hangin sa ating mga pisngi, binabalik ang magagandang alaala ng pagkabata. Napapangiti akong isipin na dati'y parang tayong sardinas na nagsisiksikan sa pagtulog matapos makapanood ng walang kwentang katatakutan, pero nakakatakot pa rin. Nakakatawang alalahanin ang mga kalokohan, ang kasiyahan sa pag-aambag para ngasabin ang isang galon ng selecta. Nakakatuwang isipin ang ilang gabing pagererebelde.
Sa ating pagbabalik, naalala ko ang isaw sessions, ang dirty ice cream na iba't ibang kulay pero iisa lang ang lasa, rodics, ang mabahong CR ng Vinzon's Hall, ang ikot, ang AB, ang Business Econ, ang dating kalaguyo, ang kabataan.
Naalala ko, at nakita kong lumipas man ang panahon, kayo pa rin ang dati. Hindi na mabubura ng pagdaan ng mga taon iyon.
Mahirap pagsamahin ang bungang binitawan ng sanga. Mabibiyak, mabubulok ang sawing bunga sa pagkakahulog. Pero sa sapat na panahon, matutuyo ang laman, mahihinog ang buto, tutubuan ng ugat na kakapit nang mahigpit sa lupang sumalo sa kanya minsan.